Balik aral na po. Pero… Good news! Wala na po kaming final examinations. Ginhawa po ito sa akin at sa mga kapwa ko mag-aaral sa Ateneo de Manila University. Siyempre, tuloy pa rin po ang ATENEO TASK FORCE ONDOY…
Noong binalita po na walang na kaming final examinations, naalala ko ang karanasang naisulat ko noon. Ito po yun…
*****
Tanghaling tapat at kay init. Nagmamadali ako. Sampung minuto na lang. Kailangan kong makarating sa paaralan bago mag-ala-una. Pawis na pawis na ako. Banat nang banat sa pagbibisikleta. Tutok na tutok. Mabilis na ang kabog ng aking dibdib. Hingal na hingal na ako. Pero wala na akong oras para magpahinga. Pedal lang nang pedal. Pedal lang nang pedal.
Isa’t kalahating kilometro pa. Napatid ang tanikala ng aking bisikleta. Sinubukan kong ayusin ito. Ngunit hindi ko na maayos.
Naupo ako sa gilid ng kalsada. Hindi ko alintana ang init ng araw.
Patay. Hindi na ako makakapag-exam. Hindi na nga ako nakabayad ng matrikula, hindi pa ako makakapag-exam. Sayang ang pagpapakumbabang pakiusap ko upang makahingi ng promissory note. Sayang ang review ko kagabi. Hindi na nga ako nakatulog. Sayang lang pala ang lahat.
Napayuko ako. Pumikit. Narinig ko ang mga bulong ng hangin. Hindi ko matanggap ang kanyang sinabi na okey lang yan. Kasi hindi okey ang aking nararamdaman. Pero, ramdam ko ang hagod ng hangin sa aking balikat. Napalamig nito ang umiinit na galit sa aking kalooban.
Dumilat ako. Nagpasyang takbuhin na lang ang paaralan. Iniwanan ko ang bisikleta sa tabi ng daan. Dalawang minuto na lang at magsisimula na ang aking exam.
Pagkalipas ng walong minuto, humahangos akong nakatayo sa labas ng gate ng paaralan. Sabi ng guard kailangan kong dumiretso sa guidance office para kumuha ng permission to enter the class slip. Hindi ako sumunod. Dumiretso ako sa classroom namin. Hindi ako pinapasok ng proctor, sabi niya kailangan ko daw pumunta sa guidance office. Wala akong magawa kundi ang sumunod. Ngunit wala pala si Ma’am Martinez na aming guidance counselor. May pinuntahan daw siya sabi ng secretary niya.
Umupo ako sa sofa. Puno ako ng pagsisisi. Sinisi ko ang aking bisikleta. Sinisi ko ang aking ina. Sinisi ko ang aking ama. Wala na kasi kaming pera, kahit dalawang piso lang na pamasahe. Sinisi ko na ang lahat. Sinisi ko ang sarili.
Naidlip ako sa inis.
Ginising ako ng isang mahinahong paghagod sa aking balikat. Tatlumpung minuto na pala ang lumipas. Dumating na si Ma’am Martinez. Okey lang yan, bulong niya. Siguro alam na niya kung bakit ako naroon.
Pinahidan ko ang aking luha. Napatingin ako sa mesa. Nakahanda na pala ang aking test paper. Sabi ni Ma’am duon na lang daw ako mag-exam. Sabay ng magkahalong pawis at luha ang naramramdaman kong pagkamangha at pagpapasalamat.
Natapos ko ang exam. Ipinasa ko ang aking papel kay Ma’am. Nagpasalamat. Umalis ako sa guidance office na nakangiti.
Palutang akong naglalakad palabas ng gate ng paaralan. Binaybay ko ang daan na tinakbo ko kanina. Naalala ko ang aking bisikleta. Hinanap ko kung saan ko ito iniwan. Ngunit hindi ko na ito makita. Magtatanong sana ako sa isang bahay nang nasumpungan ko ito. Naroon ito sa loob ng gate ng bahay na pagtatanungan ko sana. Nakita ako ng may-ari ng bahay, Kuya Sander daw ang pangalan niya. Agad niyang inilabas ang aking bisikleta. Laki nang tuwa kong nakitang maayos na ito. Inaayos pala ni Kuya Sander ang aking bisikleta. Labis ang pagpapasalamat ko sa kanya.
Umalis ako sa bahay ni Kuya Sander na may sigla. Gustung-gusto ko nang umuwi.
Pasado alas singko na akong dumating sa bahay. Pumanhik ako. Hinanap ko ang aking ina. Hindi ko pa naibababa ang aking bag, ikinuwento ko na sa kanya ang nangyari. Lumuha siya. Lumuha ako.
- Jun-G Bargayo, SJ -